Ang Pagpapasiya na Bunga ng Damdamin
Ang pagpapasiya tungkol sa pagpapagamot ng iyong kanser ay maaaring maging isang makabagbag-puso na karanasan. Nararapat mong paalalahanan ang iyong sarili na dahil ikaw ang mayroong kanser, maaaring mahirapan kang marinig o tanggapin ang lahat na isinasaad ng iyong manggagamot. Maaaring ang iyong maririnig ay mahirap unawain o tanggapin.
Mayroong ilang kapaki-pakinabang na pamamaraan na iyong maisasagawa upang malipasan mo ang napakahirap na panahong ito:
-
Magdala ng kasama sa iyong mga pakikipagtipan sa iyong manggagamot.
-
Magdala ng tape recorder sa iyong paki-kipagtipan.
-
Bago ka makipagtipan sa iyong manggagamot, ilista mo ang iyong mga katanungan; alamin mo sa ibang mga nakaligtas sa kanser kung ano ang dapat itanong o di kaya’y mga impormasyon tungkol sa iba’t ibang uri ng paggagamot.
-
Humanap ng pangalawang pasiya o hatol mula sa ibang manggagamot tungkol sa iba’t ibang pamamaraan ng paggamot.
-
Bigyan mo ang iyong sarili ng sapat na panahon upang pag-aralan ang mga impormasyon na ibinigay sa iyo bago ka gumawa ng pagpapasiya.
Pangkaraniwan lamang na ikaw ay matakot o mabahala na maaaring ang iyong maging pasiya ay hindi ang nararapat o ang tamang pasiya. Ngunit, paalalahan mo ang iyong sarili na isinasagawa mo lamang kung ano ang pinakamabuting pasiya para sa iyong sarili. Maaaring mahigit sa isa ang tamang sagot sa iyong pangangailangan ngayon. Ang mahalaga ay ang makipag-panayam ka sa iyong manggagamot at ipaalam mo ang iyong nararamdaman tungkol sa pagpapasiya kung ano ang tamang pamamaraan sa pagpapagamot.
Alalahanin mo na habang iba’t ibang uri ang epekto ng kanser sa bawat tao, iba’t ibang uri rin ang nararapat na paggagamot sa bawat isa.



