Radiation Therapy
Ang radiation therapy o radiotherapy ay gumagamit ng malakas na x-rays – mas malakas sa karaniwang diagnostic x-ray-upang puksain ang mga kanser cells sa pamamagitan ng paghadlang ng kanilang paglaki at paghihiwalay. Ang radiation therapy ay isang lokal na paggagamot na madalas isinasabay sa lumpectomy upang pugsain ang mga natitirang kanser cells. Inaalis nito ang mga cells kung saan natagpuan ang kauna-unahang kanser ngunit hindi ito mabisa sa pagpuksa ng mga kanser cells na kumalat na sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang radiation therapy ay maaaring ibigay sa labas ng katawan (external) o di kaya’y sa loob ng katawan (internal). Ang pagbibigay ng radiation sa labas ng katawan ay nagbibigay ng malalakas na sinag deretso sa bukol mula sa isang makina sa labas ng katawan at hindi kinakailangang dalhin sa ospital ang pasyente. Ang Intensity Modulated Radiation Treatment (IMRT) ay isang radiation therapy na ipinapanggamot sa pamamagitan ng three-dimensional digital equipment.
Ang panloob na radiation (internal) o Brachytherapy ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpasok ng ilang radioactive pellets sa bahagi na mayroong kanser gamit ang maraming catheters o di kaya’y sa pamamagitan ng Mammosite (isang catheter na mayroong lobo).
Masamang Epekto
Kasama sa mga masamang epekto ang pagkahapo, pangangati o pagbabago ng balat, pangingirot at pamamaga ng suso dahil sa pagdami ng likido.
Tatu
Upang magamot nang wastong-wasto ang bahagi na tinutukoy sa araw-araw, gumagamit ng marka sa katawan ang mga radiation technician. Ang pen o marker pen ay madalas nabubura at kinakailangan ng technician o manggagamot minsan ang hulaan kung nasaan ang mga inilagay na palatandaan. Maaaring gamitan ng pantakip ang marka ngunit marami sa mga pasyente ang hindi ayon sa pandikit na ginagamit.
Ang tatu ay maaasahan – dahil hindi ito nawawala. Kadalasan dalawa o tatlong palatandaan lang naman ang ginagamit at madalas hindi ito kita sa ilalim ng damit.
Ang tunay na pakinabang ng tatu ay ang pagbibigay nito sa pasyente ng pirmihang talaan. Ilan sa mga kababaihan ay nagkakaroon ng kanser sa kabilang suso. Sa pamamagitan ng tatu mula sa dating pagpapagamot ng pasyente, nalalaman ng radiation oncologist ang bahagi ng katawan na dumaan na sa radiation at sa ganun maiiwasan na madaanan muli ng radiation ang mga bahaging ito. At kapag nawala o nasira ang mga talaan ng pasyente, mailalahad ng tatu ang mga dating paggagamot.



